Wednesday, June 22, 2011

Pamahiin Ng Mga Bangkay


Tinanong ko kay "Rocco"* sa text kung papasok siya sa bar noong isang gabi. Isa siyang macho dancer na katrabaho ni "Russell" sa "Answer for The Emotionally Needy" gay bar. Nakita ko siyang sumayaw noong isa sa mga punta ko, at dahil napansin ni Russell ang pagtitig ko, tinanong niya kung gusto kong makilala ang lalaki. Nahiya naman ako kaya tumanggi. Ngunit pag-uwi ko, nakita ko na lang sa cellphone ko na finorward ni Russell yung number ni Rocco sa akin. Kaya ayan, tinext ko kung ano ang plano niya noong gabing yun. 

Sinagot ni Rocco sa akin, "hindi."

"Sigurado ka?" sagot ko agad. Syempre, una kong naisip na may booking siya nung gabing yun, na itinatago niya lang sakin. Siyempre, bakit naman kasi aaminin ng isang macho dancer sa isang customer na may kikitain siyang ibang customer sa labas ng bar. Pero inusisa ko pa rin kung bakit.


"Umuulan kasi nang malakas dito sa amin. Malayo pa ang lalakbayin ko para lang makapasok." 

Weh. Bola. Hindi ako naniwala sa isinagot niya. Hindi na kasi ummulan sa parte ko ng Maynila noong gabing yun. "Talaga? Sayang ang kikitain mo," na lang ang sinagot ko.

"Wala naman akong customer," sabi niya. Sa hitsura niyang mukhang morenong teen star ng isang reality artista search competition, sinagot kong "di ako naniniwala sayo." 

"Totoo. Pero kung pupunta ka, papasok ako para makilala ka."

Weh. Bola.

Tinext ko na lang si "Russell", kung nais niyang makipagkita para kumain ng dinner. Kakain lang, pero hindi ako pupunta sa bar. Okay naman daw sa kanya, kaya't nagkita rin kami sa isang gas station sa Maynila. Pagdating ni Russell isang oras pagkatapos, nagtanong siya sa akin habang kumakain.

"Kala ko magkatxt kayo ni Rocco? Hindi mo siya niyaya kumain?"

"Hindi e. Hindi raw kasi siya papasok. Nahiya naman akong pilitin siyang umalis ng bahay para makipagkita," sagot ko sa kausap kong dancer na isa sa mga malalakas ng bar.

"Bakit hindi raw siya papasok?" tanong niya.

"Umuulan daw sa kanila," ang una kong sagot. Napa-kunot ng noo si Russell. Kahit siya, hindi naniwala. "Sabi-sabi niya lang yun. Papasok din yan, tingnan mo," balik na sagot sa akin.

"Hindi raw e," sabat ko sa kanya. "Sayang lang daw ang biyahe kasi wala naman siyang customer," ang sagot ko, kahit na di ako naniniwala dito. "Totoo ba ito?" Gusto kong malaman kung binobola lang ako ni Rocco na ako, if ever, ang tanging magiging regular customer nya.

"Ah. Oo nga. Dalawa o tatlong gabi na siyang bangkay."

Ilang beses ko nang narinig ang salitang ito na binabanggit ng mga macho dancer at hosto, pati na mga sha-sha (masahista). Kung walang customer, kung walang kita, kung walang gustong kumuha sa kanila, ayun, patay sila sa kakaantay sa showroom, dressing room, o aquarium. Bangkay.

"Russell, hindi ba't dapat pumasok pa rin sa bar kahit bangkay? Sayang ang kikitain," tanong ko sa kausap ko pagkatapos kumain. Sa mga lalaking "kahirapan" ang nakasanayang dahilan kung bakit pumapasok bilang isang macho dancer sa isang gay bar, hindi ba't kailangang pangahalagahan ang bawat sentimo o pisong kikitain? O sadyang tamad lang talaga sila?

"Nakakatamad din naman kasi kung minsan pumasok, lalo nang alam mong wala kang madaratnang customer." Parang alam niya ang nasa isip ko.

Dagdag niya, "pero sa amin, kung kunwaring sunud-sunod na araw kaming bangkay sa bar, ang ginagawa rin namin, hindi kami papasok ng isang araw. Pampa-putol ba ng malas."

"Weh? Talaga lang? Naiisip ninyo yung mga yun?"

"Oo. Pamahiin naming mga macho dancer yan. Ginagawa ko rin yun, at kinabukasan nga nagkakaroon ako ng customer. Kaya siguro nag-absent si Rocco dahil ilang gabi na siyang bangkay."

"Hmm... Pwede nga siguro," sagot ko sa kanya habang nag-iisip sa kotse noong pahatid ko na siya sa bar. Iniisip ko yung isa sa mga naisulat ko dati tungkol sa mga dahilan kung bakit absent ang isang macho dancer sa bar. Hindi ko naisama sa listahan ang "Pampaputol ng malas kung sunud-sunod na bangkay." Okay lang, wala pa naman kasing nagsabi sakin ng dahilang yun dati. 

"Ayan ang dami mo nang nalalamang sikreto tungkol saming mga dancer," pangiting banggit sakin ni Russell. Ha, di niya lang alam.

Nang malapit na kami sa bar at bago bumaba ng sasakyan, nangako si Russel, "Sige, i-te-txt kita kung pumasok si Rocco. Late lang yan malamang, tingnan mo." 

Weh. Bola.

At tama akong bola, kasi hindi naman nag text sakin si Russell pagkatapos. Ngunit, nalaman kong hindi nga pumasok si Rocco noong gabing yun, dahil mismo siya ang nagtxt sa akin kinabukasan. Hindi ko na lang inusisa ang tunay na dahilan ng kanyang pag-absent, kung dahil sa ulan man o sa katamaran, kung sa booking o sa pamahiin. 

At kung sa pamahiin man, hindi ko alam kung nagkaroon nga si Rocco ng customer kinabukasan. Kung meron man, siguradong hindi ako yun.

GB Goer
Learn more: Lessons from Gay Bars in Manila
http://machosandhostos.blogspot.com/
email: char.affairs@gmail.com
twitter: @gbgoer


*Hindi tunay na mga pangalan ang mga ginamit dito, kundi mga pseudonyms lamang. Ngunit may koneksyon ang pangalan sa kanilang "stage name" sa bar.


Photo credit: http://tsmith0095.files.wordpress.com/2011/05/doubt.jpg from http://www.brazilbrazil.com/scenic.html

No comments:

Post a Comment

Feel free to share what you think