Panahon na ng summer o tag-init sa Pilipinas. At siyempre, sa industriya ng gay bar, sa panahong ito naglilipana ang samu't saring bikini open na ginaganap sa mga "big night" event ng bar. Sa isip-isip ng mga may-ari ng gay bar, papatok sigurado ito sa mga matrona at baklang tigang, makakita lang ng mga lalaking naka-jubad. Kaya't pampa-attract ng customer, taun-taon nila ito ginagawa.
Kung gaanong ikinatutuwa ng mga customer ang event na ito, ganoon naman ikinasasakit ng ulo ng mga ilang nagtatrabaho sa gay bar ang mga event na ito. Sa pakikipag-usap ko sa ilang mga macho dancers, ito ang mga natutunan ko kung bakit nila kinaiinisan ang mga big night tulad ng bikini open:
- Rehearsal na naman?: "E kaka-big night lang noong nakaraang linggo?" Ito ang madalas nilang reklamo. Syempre, sa isang event, kailangang mag-ensayo ang mga lalaki sa kanilang mga bagong summer-themed choreography o pag-rampa o blocking sa stage. Ibig sabihin nito, papasok muli sila nang mas maaga, dalawang oras bago ang opening ng bar. Hindi lang isang araw, kundi buong lingo bago ang event. Mababawasan sila ng oras ng tulog at "mapupuyat." Minsan, kung late, may kaltas pa sa daily budget at pagagalitan.
- Hindi isasali ang mga hindi maganda ang katawan: Kung may tiyan, tanggal. Kung patpat, tanggal. Hindi lahat ng macho dancer sa bar kasali; mga 15 lang mula sa 30. Malas naman ng mga tanggal, ang unang iisipin. Actually, iniisip ng mga hindi kasali na swerte pa nga sila. At least, walang pressure sa rehearsal at sa paghatak ng customer. Makatutulog pa sila nang mas matagal. Pampalaki rin ng tiyan yun.
- May bikini ka na, may kaltas ka pa: Madalas, ang bar ang magbibigay ng bikining isusuot ng mga macho dancers na kasali sa competition. Iisipin ng mga kalahok, uy salamat sa bago kong bikini na hindi ko naman maisusuot sa beach. Kala nila thank you lang yun? Hindi, ikakaltas ng bar sa budget na nga nilang maliit ang presyo ng bikini. Hindi ko lang alam kung gawain yan sa mga iba ring bar.
- Bagsakan ng drinks ang labanan: Syempre dahil bikini open, pagandahan ng katawan ang labanan, diba? May mga judges naman na mag-determine kung sino mananalo, diba? Mali. Kahit may judges, mga 25%-50% lang ang boto nila. Pera-pera ang labanan, at idadaan ito sa bagsakan ng drinks mula sa guest. Kung sinong contestant ang may pinakamalaking naipasok na benta ng drinks, siya ang mananalo.
- Saan naman ako hahatak ng customer: Dahil event ito at bagsakan ng drinks ang labanan, kailangang magyaya ang macho dancer ng kani-kaniyang customer. Kaso, nahihiyang mag-imbita ng guest ang karamihan ng macho dancer, at kailangan pa nilang kapalan ang mukha para mag-aya. Baka raw isipin ng guest na piniperahan lang sila para manalo sa competition. Saan naman lulugar ang naiipit na macho dancer sa sitwasyong ito?
Matapos naman ang bikini open na event, naisip niyo ba kung saan napupunta ang mga bikini? Syempre, sa mga macho dancers na yun. Maaari naman nilang gamitin yun sa kanilang pagsasayaw. At least, may ipampapalit na siya sa bawat gabi.
Eh paano kung madalas may competition na kailangang mag-bikini na ibibigay ng gay bar? Siguradong magtatambakan lang ng samu't saring saluwal ang aparador ng macho dancer sa kanilang bahay. May blue. May pink. May zebra stripes. May glittery. May t-back. May print ng "Kiss Me" sa harap. Sa sobrang dami na ng makukulay at magagarang underwear ng mga MD, ibinibigay na lang nila ang mga iba sa mga kaibigan o sa mga baguhan. Yung mga baguhan na lang mamroblema kung saan itatago ang mga bikining nakakahiyan namang isuot sa labas.
Syempre, kailangang itago ang mga iyon, lalo na sa mga bahay ng mga macho dancer na hindi alam ang kanilang tunay na trabaho. Nang itanong ko kung sino ang naglalaba ng mga underwear, sinabi ng isa na siya mismo ang naglalaba para walang makakita. Yung isa naman, nahihiya pa niyang sagot, "Yung nanay ko kasi siya naglalaba ng lahat ng damit ko." Nabuking kaya siya? "Hindi na lang tinanong ng nanay ko kung saan nanggaling yun," dagdag niya. "Eh paano ba naman, kung wala ka ring panahong maglaba ng damit, makikita rin yun na nakatambak kasama ang mga nagamit ko nang damit?"
Siguradong maglilipana na ulit ngayong tag-init ang mga iba't ibang klaseng bikini. Kahit hindi na ito usong isuot ng mga lalaking nagpupunta sa beach, mapipilit pa rin mauso ito ng mga gay bar dahil sa mga big night event nila. Kung ito ang siyang nagpapaligaya sa mga nag-iinit na customer, ito rin naman ang siyang nagpapa-init ng ulo ng mga macho dancer.
Learn more: Lessons from Gay Bars in Manila
http://machosandhostos.blogspot.com/
email: char.affairs@gmail.com
Photocredit: "Blue Bikini" by Jeff Boss (http://fineartamerica.com/featured/blue-bikini-jeff-boss.html)
No comments:
Post a Comment
Feel free to share what you think